LEGAZPI CITY — Panaginip pa rin kung ituring ng singer-songwriter na si Winset Rose Jacot na tubong Lumbia, Cagayan de Oro City ang pagpasok nito sa grand finals ng Bombo Music Festival 2019.

Pagbabahagi ng “Pagod na akong Makihati” composer sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mixed emotions ang nararamdaman sa paglusot ng kaniyang “getting over you song.”

Kwento ni Jacot, nalikha ang awitin batay sa sariling karanasan matapos na minsan nang maging “option” ng dating karelasyon.

Kahit aniya siya ang maituturing na “legal girlfriend”, nakikipag-communicate pa rin ang ex-boyfriend sa dati rin nitong nobya.

At dahil pagod na rin na makihati sa pag-ibig at pag-aalaga, mas masaya na umano ang maging single ngayon.

Samantala, ipinangako naman ni Jacot ang ‘best’ para sa grand finals night habang ibinahagi na dalawa ang kakantahin dahil ito rin ang interpreter ng kantang “Ikaw Na” na isinulat naman ni Geraldine Therese Lim ng Ortigas Avenue, Manila.