VIGAN CITY – Nagpasalamat ang isang finalist ng Bombo Music Festival 2019 sa kanyang ex-boyfriend na naging inspirasyon umano nito sa kanyang entry sa songwriting competition.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Winset Rose Jacot, ikinwento nito na halos isang oras lang niya isinulat ang kantang “Pagod Na Akong Makihati” na tungkol umano sa sakit na kanyang naramdaman nang malaman noon na kausap ng kanyang dating nobyo ang dati rin nitong nobya, gayundin ang ilan pang babae.

Para kay Jacot, ang naramdaman niyang pagiging “option” ang nag-udyok para isulat ang nasabing entry.

Aminado ang dalaga mula Cagayan de Oro City na hindi niya inasahang makakapasok ang isinulat na kanta sa Bombo Music Festival 2019.

Dati ng sumali sa ibang national level na songwriting competition si Jacot ngunit hindi pinalad na masungkit ang panalo.

Sa kabila ng pinagdaanan, nagagalak naman daw ang dilag dahil bukod sa nakapasok din ang kanyang kaibigan na si Geraldine Therese Lim sa Top 12 finalist, ay maaawit niya rin ang entry ng live sa January.