CAUAYAN CITY – Naging inspirasyon ng isa sa 12 mga finalists ng Bombo Music Festival 2019 sa pagkatha ng kanyang entry na “Ikaw na” ang kasalukuyan nitong love life.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Geraldine Therese Lim na mula sa napakarami niyang naging mga karelasyon ay ang kanyang kasalukuyang nobyo ang talagang para sa kanya kaya pinagamatan niya ang kanyang kanta na “Ikaw na.”

Na-inspire aniya siya sa pag-compose ng mga kanta noong panahong siya ay depressed at puro broken songs ang kanyang naunang ginagawa.

Galing umano siya sa ibayong dagat nang niloko raw ito ng pinagkakatiwalaang kaibigan at nawala na parang bola ang pinagpaguran niyang pera..

Nahanap aniya niya ang kasiyahan sa pag-compose ng mga kanta at noong mayroong na siyang karelasyon ay naisip niyang kailangang masaya na ang kantang ikakatha dahil natutuwa raw ito sa kasalukuyan niyang relasyon.

Inihayag pa ni Lim na limang minuto bago ang alas-5:00 ng hapon noong Hulyo 31 na deadline ng pagbibigay ng mga entries ay naihabol niya ang kanyang kantang “Ikaw Na” sa lungsod ng Makati.

Ang nag-interpret sa kanta ni Lim ay ang malapit na kaibigang si Winslet Rose Jacot at isang araw lamang nilang ginawa ang interpretation.