GENERAL SANTOS CITY – Ngayon pa lamang ay pinapangarap na ng composer ng kantang “Ikaw Kasi” na makapasok sa 12 Finalist sa Bombo Music Festival (BMF).

Sinabi sa Bombo Radyo ni Charles Celin, 29-anyos, electronic technician sa Kinabalan, Malungon, Sarangani province, noon pa raw sana ito sasali sa Bombo Music Festival dahil sa hilig nitong kumatha at kumanta habang nagkukumpuni ng mga electronic gadgets.

Ang entry nitong “Ikaw Kasi” ay sumasalamin umano sa kanyang sarili kaya’t hindi ito nahirapan sa pagsulat ng kanta, na sinimulan daw nitong isulat noong buwan ng Enero at natapos noong Marso.

Kuwento pa ni Celin na naglalaan daw ito ng oras sa paggawa ng kanta pag-uwi galing sa trabaho.

Malaki rin aniyang karangalan para sa kanya na makapasok sa 16 na semi finalist sa patimpalak na inilunsad ng Bombo Radyo Philippines.