BMF 5

LEGAZPI CITY – Malungkot na karanasan sa pagkawala ng mga minamahal sa buhay ang pinanghugutan ng inspirasyon ng composer ng awiting “I’ll be right by your side” na isa sa 12 finalists ng 3rd National Bombo Music Festival 2020.

Pagbabahagi ni Patrick Mark Armada sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahilig lamang umano siyang gumawa ng mga hugot lines hanggang sa mahikayat ng kaibigang si Elmar Jan Bolano na magsulat ng awitin.

Limang taon na rin aniya ang nakakaraan nang magkakilala sila ni Bolano sa pamamagitan ng isang mutual friend hanggang sa maging swak sa mga parehong hilig at magkaayaan na sumali sa nationwide search para sa original song compositions.

Aminadong kabado siya sa pinakaunang pag-qualify bilang finalist sa music festival, pero pinalalakas naman umano ang loob nito ng kasamang composer.

Nabatid naman na isang instructor si Armada sa pamantasan sa Iloilo.

Hangad ni Armada na magkaroon ng pitak sa puso ng mga tagapakinig ng Bombo Radyo ang nilikhang awitin.