bmf2019
Bombo Music Festival

LA UNION – “In ten minutes, nabuo ko ang kanta!”

Ito ang natutuwang pagbabahagi ni Eugenio Corpuz III ng Legazpi City, Albay at isa sa mga 12 grand finalist ng 3rd National Bombo Music Festival 2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Corpuz, sinabi nito na ginawa niya ang kanta na pinamagatang “Run” habang nagpapahinga at nakaupo sa likod ng isang fastfood chain sa kanilang lugar.

Kung minsan aniya, dahil sa hirap ng buhay ay maraming nagagawa ang tao.

Sinabi pa ni Corpuz na isang computer engineer, ang awiting “Run” ay patungkol sa takbo ng buhay ng tao na kadalasan may kulang o “missing link.”

Ngunit gaano man kahirap ang buhay aniya, ituloy lang ang pakikipagsapalaran.

Gaya ni Corpuz na minsan nang sumali sa BMF ngunit umabot lamang sa semifinals, pero hindi ito naging hadlang kundi naging hamon sa kanya para subukan ulit ang kanyang kapalaran.

Sa pagkakataong ito, napili si Corpuz bilang isa sa mga finalists ng BMF 2019 na isasagawa sa January 2020.