BMF 3

VIGAN CITY – Magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman ng isa sa mapalad na 12 finalist ng 3rd National Bombo Music Festival 2020 dahil isa ang kaniyang kanta na nakapasok para sa live performance sa January 11, 2020 sa Iloilo City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Jose L.G. Fuentes mula sa Cebu, na labis ang tuwang naramdaman nito nang malaman na isa ang kaniyang awitin na pinamagatang “LDR” (long distance relationship) sa mga nakapasok sa Top 12 finalist sa ikatlong Bombo Music Festival sa susunod na taon.

Ngunit nalulungkot din aniya ito dahil naghiwalay na sila ng kaniyang girlfriend (GF) na nasa Dubai na naging inspirasyon nito sa pagsulat ng “LDR.”

Sa kabila nito, umaasa si Fuentes na kapag narinig ng kaniyang dating nobya ang ginawa nitong kanta para sa kaniya ay magkabalikan sila at kanilang maitutuloy ang naudlot nilang pagmamahalan.

Aniya, kahit mahirap na kantahin nito ang isinulat niya noong sila pa ng ka-LDR nito, sisikapin niyang hindi maapektuhan ang kaniyang performance sa paghihiwalay nila ng ex-GF.

Ito na ang ikalawang beses na makapasok sa Top 12 finalist si Fuentes na ang una ay noong taong 2017 kung saan ang kaniyang song entry ay pinamagatang “Panumpa.”