VIGAN CITY – Hindi sa masalimuot na pangyayari sa buhay humugot ng inspirasyon ang isang local composer sa paggawa ng kanyang awitin na isinali at nakapasok sa Top 12 ng Bombo Music Festival 2019 kundi sa masaya at makulay na buhay-may-asawa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Chris Givenchi Edejer ng Najada, Davao City, ibinahagi nito na ang kanyang song entry na “Hangga’t Ako’y Nabubuhay” ay kuwento ng pagmamahalan nilang mag-asawa sa loob ng 11 taon.
Ayon kay Edejer, ang naturang kanta ay “special gift” niya sa kanyang asawa para sa kanilang 8th anniversary bilang mag-asawa.
Ito na aniya ang ikalawang beses na sumali siya sa Music Festival ng Bombo Radyo Philippines, ngunit sa kanyang unang paglahok ay hindi pinalad na makapasok.
Kaya naman malaki raw ang kanyang pasasalamat sa Bombo Radyo Philippines dahil ngayong taon ay isa siya sa mga pinalad na makapasok sa Top 12 at live na magtatanghal sa Iloilo City sa darating na January 12.
Hinikayat naman ng 41-anyos na local singer/composer ang mga kagaya niya na mahilig magsulat ng kanta na ituloy ang pangarap upang sa gayon ay na marinig daw ng lahat ang kanilang likha.