ILOILO CITY – Hindi maipaliwanag ng Ilonggo composer ang kanyang nararamdaman nang nalaman na kasama siya sa top 12 finalists ng 3rd National Bombo Music Festival 2020.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lindy Catequista, composer ng kantang “Break,” at residente ng Magsaysay, Lapaz, Iloilo City sinabi nito na labis niyang ikinatuwa ang kanyang bagong achievement.

Ayon kay Catequista, nabuo ang nasabing awitin noong Hunyo 2, 2019 kasabay ng isinagawang Bombo Music Festival Workshop sa lungsod ng Iloilo.

Kasama niya ayon kay Catequista sa pagsulat ng nasabing awitin ang kanyang asawa na si Marty Catequista na isa ring semi-finalist at si Mr. Ramy Capuyan na isa rin sa mga finalist.

Lindy Catequista

Ani Catequista, naging inspirasyon niya sa paggawa ng kantang “Break” ay ang walang tigil na paggamit ng mga kabataan ng gadgets at social media accounts.

Ang awiting “Break” ayon sa kanya ay nagpapahiwatig na dapat magkaroon rin ng oras ang mga kabataan sa iba pang mga bagay sa buhay.

Sa ngayon ayon kay Catequista may ginagawa na siyang paghahanda para sa Grand Performance Night ng Bombo Music Festival na gaganapin sa Enero 11, 2020 sa Iloilo City.