BMF BOMBO MUSIC FESTIVAL

BAGUIO CITY – Isang makabuluhang regalo para sa kaarawan ng isang Pinoy accountant na nagtatrabaho sa ibang bansa ang mapasama sa 12 finalists ng 3rd National Bombo Music Festival.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Edwin Dimaculangan, na ngayo’y nagtatrabaho bilang isang financial specialist sa West Covina, California, USA, ibinahagi niyang nalaman niya mula sa mga kamag-anak sa Pilipinas na kabilang siya sa mga finalists ng nasabing kompetisyon.

Aniya, simula nang magtrabaho siya sa California noong 2005 ay nagiging pastime na niya ang paggawa ng kanta ngunit inamin niya na maraming mga awitin ang hindi niya natatapos sa kadahilanang wala humuhubog sa kanya na inspirasyon.

Agad daw siyang nagkalkal sa mga sinulat niya nang mabasa niya sa social media ang kompetisyon ng Bombo Radyo.

Dito niya napagtanto kung gaano kahirap na gumawa ng isang kanta na siyang naging inspirasyon at motibasyon niya para buuin at tangkilikin ang “Mahirap Gumawa ng Isang Kanta.”

Sa una ay hindi pa makapaniwala si Dimaculangan nang nalaman niyang kasali siya sa mga finalists lalo na at ito ang kauna-unahang pagkakataong sumali siya sa kompetisyon ng Bombo Radyo Philippines.

Tagumpay na raw para kay Edwin ang kanyang nakamit dahil dininig ng Diyos ang kanyang panalangin na umabante sa nasabing kompetisyon.

Tubong Batangas si Edwin pero nakabase na siya ngayon sa California.